Bukas na ang mga Kadiwa ng Pangulo kiosk na nagbebenta ng P40 kada kilo sa ilang palengke sa Metro Manila.
Ito ay sa ilalim ng Rice for All program ng Department of Agriculture.
Dito sa Kamuning Market, makikita agad sa bungad ang pwesto ng Kadiwa ng Pangulo at mga nakasalansang nakabalot na bigas na tig-lilimang kilo o nagkakahalaga ng P200.
Nagmula sa Food Terminal Incorporated ang suplay ng bigas na dinala sa naturang palengke.
Naginspeksyon naman sa unang araw ng bentahan ng Kadiwa ng Pangulo kiosk sina DA Asec. Arnel de Mesa at Asec. Genevieve Velicaria-Guevarra
Ayon kay Asec. De Mesa, natutuwa silang sinabayan na rin ng mga rice retailer sa palengke ang bentahan ng murang bigas.
Mananatili aniya ang pagbebenta ng P40 na kada kilo ng bigas hanggang sa tuluyang bumaba ang presyo ng commercial rice sa mga palengke.
Bukas ang Kadiwa ng Pangulo kiosk mula Martes hanggang Sabado, alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa iba pang palengke para mapalawak pa ang bentahan ng murang bigas. | ulat ni Merry Ann Bastasa