Pursigido si Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel na mapababa pa ang presyo ng bigas sa mga mamimili sa susunod na taon.
Ayon sa kalihim, nais nitong maibaba pa mula sa kasalukuyang bentahan na ₱40 ang kada kilo ng regular o well milled rice.
Kaugnay nito, humingi na ng tulong ang kalihim sa iba pang LGU sa Metro Manila para mapalawak ang mga Kadiwa ng Pangulo kiosks sa mga pampublikong palengke.
Sa ngayon kasi, aniya, nasa iilang palengke palang ang may Kadiwa ng Pangulo kiosk at hindi pa sakop ang iba pang lungsod.
Ayon sa kalihim, nakikipag-usap na ito sa mga local chief executive para mahikayat ang mga market masters na payagan ang kiosks sa kanilang palengke.
Una nang sinabi ng DA na inihahanda na rin nito ang paglulunsad ng ‘Sulit Rice’ at ‘Nutri Rice’ sa 2025 na magkakahalaga lang ng ₱37-₱38 kada kilo. | ulat ni Merry Ann Bastasa