Nasa final review na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang dagdag sweldo sa mga manggagawa ng Cordillera Administrative Region at MIMAROPA (Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, at Palawan).
Ito ang ibinalita ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos ang isinagawang Year End Assessment na pinangunahan ni Secretary Bienvenido Laguesma.
Ayon sa kalihim, bago matapos ang December 2024 ay maaaring ilabas na ang desisyon ng Board kaugnay sa dagdag umento.
Ngunit tumanggi si Laguesma na sabihin kung magkano ang dagdag sweldo para sa dalawang rehiyon.
Samantala, hindi naman agad maipatutupad ang dagdag-sweldo sa Bicol Region dahil mismong mga empleyado daw ang humiling na huwag muna itong pag-usapan bilang tulong na rin nila sa mga employers na matinding naapektuhan ng magkakasunod na bagyo. | ulat ni Mike Rogas