Bibisita sa Pilipinas ang Foreign Minister ng Denmark na si Lars Løkke Rasmussen kung saan inaasahang mananatili ito sa bansa magmula ika-9 hanggang ika-10 ng Disyembre 2024.
Ang nasabing pagbisita ay ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 25 taon na bumisita sa bansa ang isang Danish Foreign Minister na kasabay naman ng selebrasyon ng ika-78 taong bilateral relations ng Pilipinas at Denmark.
Sa kanyang pagbisita, makikipagpulong si Minister Rasmussen kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo upang talakayin ang pagpapalakas ng ugnayan sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, maritime cooperation, green shipping, green transition, kalusugan, at development cooperation.
Magpapalitan din ang dalawang opisyal ng pananaw ukol sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig, alinsunod sa kanilang hangaring itaguyod ang kapayapaan, katatagan, at isang rules-based international order.
Ang makasaysayang pagbisitang ito ay inaasahang magbubukas ng mas matibay na ugnayan para sa kapwa bansa. | ulat ni EJ Lazaro