Ipinahayag ng Department of Budget and Management (DBM) ang buong suporta nito sa pagtutulak ng Senado sa National Government Rightsizing Bill na layong gawing mas episyente at responsibo ang operasyon ng gobyerno.
Sa pulong noong Disyembre 19 sa DBM Central Office, dito ipinahayag ang kahalagahan ng Senate Bill No. 890 na inisponsoran ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, na ayon sa Senador ay magpapahusay sa serbisyo-publiko ng pamahalaan.
Pero ayon sa Senador, hindi ito nangangahulugang magbabawas ng empleyado ang pamahalaan bagkus lilikha pa ng mga pwesto na angkop at tunay na kailangan.
Giit din ni Senator Joel Villanueva, co-sponsor ng panukala, na layunin nitong i-streamline ang mga mandato at programa ng gobyerno habang pinapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa.
Pinasalamatan naman ni DBM Undersecretary Wilford Wong ang mga opisyal at kawani ng DBM Regional Offices sa kanilang sigasig sa pagbibigay ng serbisyo-publiko.
Sa nasabing pulong, inilahad din ng DBM ang suporta para sa fiscal transparency, Open Government Partnership, at iba pang adbokasiya na magpapabuti sa pamamahala ng pondo ng bayan.| ulat ni EJ Lazaro