Isinagawa ng Department of Budget and Management (DBM) ang ikalimang bloodletting drive ng ahensya ng tinawag nitong “Dugtong Buhay Movement” katuwang ang Philippine General Hospital sa Ermita, Maynila.
Pinangunahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang Dugtong Buhay Movement, na layong itaguyod ang kahalagahan ng boluntaryong pagdo-donate ng dugo upang matulungan ang mga pasyenteng nangangailangan.
Mahigit 600 ang nagpaabot ng kanilang pledges para sa aktibidad, kung saan kasama ng DBM ang Philippine Red Cross, Philippine Coast Guard, Philippine National Police, at iba pang grupo tulad ng UP Pahinungod, Phi Kappa Mu, Mu Sigma Phi Fraternities, Phi Lambda Delta, at Mu Sigma Phi Sororities.
Kabilang din ang mga volunteer mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), habang sinuportahan din ng Coca-Cola Philippines ang nasabing aktibidad.
Ayon sa DBM, ang bloodletting drive ay bahagi ng pagsuporta sa Bagong Pilipinas agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at nakatuon sa pagpapalakas ng komunidad sa pagtulong sa panahon ng pangangailangan, alinsunod sa Republic Act No. 7719 o ang National Blood Services Act of 1994.| ulat ni EJ Lazaro