Sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na tama lang ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag na munang pirmahan ang 2025 general appropriations bill (GAB) o ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon na isinumite ng Kongreso.
Matatandaang nakatakda sana sa Biyernes, December 20, ang pagpirma ni Pangulong Marcos sa budget bill pero ipinagpaliban muna ito ng Malakanyang.
Ayon kay Pimentel, pinapakita lang nito na sensitibo anag palasyo sa sentimyento ng publiko tungkol sa panukalang national budget.
Kabilang sa mga kinukwestiyon na item sa 2025 budget bill ang zero-subsidy para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ang pagtapyas sa budget ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at state universities and colleges (SUCs).
Ipinaliwanag ni Pimentel na sakali kasing ma-line-item ng presidente ang ilang bahagi ng budget ay hindi na ito pwedeng gastusin para sa partikular na proyekto.
Nilinaw rin ng senador na anumang mala-line veto ng presidente sa budget ay hindi nas pwedeng ilipat sa ibang ahensya o anumang proyekto ng kahit anong sektor sa loob ng ehekutibo.
Isa rin aniyang pwedeng gawin ni Pangulong Marcos ay muling ipatawag ang bicam para ipaayos ang budget. | ulat ni Nimfa Asuncion