Muling inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinatanggap na ang Postal ID bilang isang pangunahing dokumento sa pagkuha ng pasaporte. Ayon sa Philippine Postal Corporation (PHLPost), ang Postal ID ay opisyal nang kinikilala sa mga Satellite Office ng DFA sa Metro Manila at mga Regional Office nito.
Bukod sa passport application, ang Postal ID ay magagamit din bilang valid ID sa mga bangko, remittance center, at iba pang transaksyon sa mga pampinansyal na institusyon. Dagdag pa rito, nag-aalok ito ng mga diskwento at benepisyo sa pamamagitan ng Postal ID Privilege Program ng PHLPost.
Ang Postal ID ay nilagyan ng mga makabagong security feature tulad ng QR code upang mapanatili ang seguridad at maiwasan ang anumang uri ng pandaraya. Ang aplikasyon para sa ID ay nagkakahalaga ng P550 para sa regular processing at P650 para sa rush issuance. Valid naman nang hanggang sa tatlong taon ang Postal ID.

Maaaring mag-download ng application form sa postalidph.com o phlpost.gov.ph, habang ang mga capturing station ay matatagpuan sa mga piling post office sa buong bansa.| ulat ni EJ Lazaro