Tiniyak na ng Department of Finance (DOF) ang pondo para sa one-time Service Recognition Incentive (SRI) ng mga government worker.
Ang P20,000 na SRI ay para sa lahat ng kwalipikadong manggagawa ng gobyerno para sa 2024.
Ang SRI ay isang insentibo bilang pagkilala sa dedikasyon at pagsusumikap ng mga empleyado ng gobyerno, sa pagbibigay ng epektibong serbisyo publiko sa kabila ng mga hamon.
Ang mga empleyado ng pamahalaan, kabilang ang mga guro, sundalo, at uniformed personnel ay makakatanggap ng SRI simula Disyembre 15, 2024, kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Administrative Order (AO) No. 27 noong Disyembre 12, 2024.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, sa pamamagitan ng epektibong pangongolekta ng kita ng DOF, inaasahang mahihigitan ang mga target nito sa 2024 at makapaglalaan ng mas maraming pondo para sa mga pangunahing programa at proyekto ng Pangulo, kabilang ang SRI. | ulat ni Melany Valdoz Reyes