Patuloy ang kampanya laban sa pagkalat ng HIV ng Department of Health Bicol Center for Health Development, katuwang ang Sustained Health Initiatives of the Philippines o SHIP, sa pamamagitan ng libre at abot-kayang screening.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni SHIP Regional Program Officer Renz Robinson Alvaro na ang HIV ay naipapasa sa pamamagitan ng likido ng katawan gaya ng dugo, semen, vaginal fluids, at gatas ng ina. Maaari rin itong maipasa mula sa ina patungo sa kanyang sanggol.
Bagamat walang lunas ang HIV, sinabi ni G. Alvaro na ito ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng paggamit ng condom, pag-iwas sa pakikipagtalik sa maraming partners, at pagpapasuri sa mga health center na nagbibigay ng libreng screening. Binanggit din niya ang kahalagahan ng Antiretroviral Therapy para sa mga kumpirmadong pasyente, na mabisang nakakabawas sa pagkalat ng virus at tumutulong sa normal na pamumuhay ng mga apektado.
Layunin ng DOH Bicol CHD at SHIP na gawing normal ang HIV screening sa mga komunidad sa pamamagitan ng kanilang mga kampanya. Hinihikayat ang publiko na magpasuri sa pinakamalapit na health center upang maiwasan ang pagkalat ng HIV. | ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay