Ipinatupad na ng Department of Health o DOH Caraga Regional Office ang white code alert sa buong rehiyon ngayong panahon ng Kapaskuhan hanggang sa bagong taon.
Ibig sabihin, bukas ang mga pampublikong ospital sa publiko sa loob ng 24 oras araw-araw at may kumpletong health workers na naka-duty. Nilinaw ni Dr. Karen Durac, Medical Officer IV ng DOH Caraga, na sa ilalim ng white code alert, walang pwedeng tanggihang pasyente kahit dis-oras ng gabi at kailangang mabigyan ng paunang lunas.
Sa layuning maging ligtas at mapanatili ang kalusugan, nakatutok ang kagawaran sa tatlong bahagi ng kampanya. Una ay ang ‘Tamang Pagkain, Ehersisyo at Disiplina’; pangalawa ang ByaHealthy; at pangatlo ang ‘Iwas Paputok.’
Payo ni Dr. Durac, iwasan ang labis na pagkain ng mga matatamis, maaalat, at matataba. Sa paghahanda ng pagkain, ihiwalay ang hilaw sa lutong pagkain upang maiwasan ang kontaminasyon. Dagdag pa nito, huwag manigarilyo, iwasan ang pag-inom ng alak, at huwag ding magpuyat.
Para naman sa ligtas na pagbyahe, huwag magmaneho kung pagod, puyat, at nakainom ng alak. Ihanda o suriin muna ang bawat bahagi ng sasakyan, magsuot ng seatbelt, at kung motorsiklo ang gagamitin, huwag kalimutang mag-helmet.
Babala ng DOH Caraga, iwasang magpaputok upang maiwasan ang disgrasya. Panawagan sa publiko, manood na lamang ng community fireworks display sa kanilang lugar dahil mas ligtas ito. | ulat ni May Diez | RP1 Butuan