Ipinaaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na maging maingat laban sa Holiday Heart Syndrome, isang kondisyon kung saan nagiging hindi regular ang tibok ng puso dulot ng labis na pag-inom ng alak o labis na pagkain ng maaalat o matatabang pagkain.
Ayon sa DOH, karaniwan itong nararanasan tuwing holiday season dahil sa biglaang pagbabago ng lifestyle lalo na ngayong kaliwa’t kanan ang mga handaan.
Kabilang sa mga sintomas nito ay ang mabilis o malakas na tibok ng puso, pagkahilo, hirap sa paghinga, matinding pagkapagod, at paninikip ng dibdib.
Upang maiwasan ang nasabing kondisyon, ipinapayo ng DOH ang disiplina sa katawan sa pamamagitan ng pag-iwas sa labis na pag-inom ng alak. Hinikayat din ang publiko na pumili ng masustansyang pagkain gaya ng gulay at prutas, gayundin ang paglimita sa maalat at matatabang pagkain. Dagdag pa rito, inirerekomenda rin ng DOH ang regular na ehersisyo ng hindi bababa sa 30 minuto araw-araw.
Kung makaranas ng mga sintomas, ayon sa health department, agad na huminto sa anumang ginagawa at magpahinga. Kumonsulta agad sa doktor o pumunta sa pinakamalapit na ospital kung patuloy pa rin ang nararamdaman. Para sa mga emergency, tumawag sa National Emergency Hotline na 911 o sa DOH Hotline 1555, lalo na kung may matinding paninikip ng dibdib o hirap sa paghinga.
Paalala ng DOH, kahit walang kasaysayan ng sakit sa puso, maaari pa ring maapektuhan ng Holiday Heart Syndrome kaya’t mahalagang panatilihin ang malusog na pamumuhay ngayong holiday season. | ulat ni EJ Lazaro