Opisyal nang inilunsad ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Philippine Cancer Center (PCC) ang National Cancer Research Agenda o NCRA 2024-2028 na layong palakasin ang serbisyong pangkalusugan para sa mga pasyenteng may kanser, alinsunod sa Republic Act No. 11215 o National Integrated Cancer Control Act.
Ang NCRA ay nakapaloob sa limang taong plano na nakatuon sa mas epektibo, abot-kaya, at madaling access sa paggamot, pati na rin ang maagang pag-detect at pag-iwas ng sakit. Kasama rin dito ang pagsasagawa ng masusing pananaliksik para mapahusay ang kalusugan ng populasyon at makabuo ng mga patakarang sumusuporta sa cancer research and healthcare services.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ang programang ito ay hakbang tungo sa pagbibigay ng pantay-pantay at pasyente-sentrikong serbisyong pangkalusugan dahil aniya, “Sa Bagong Pilipinas, bawat buhay ay mahalaga.”
Dumalo sa nasabing paglulunsad sina DOH Undersecretary Abdullah Dumama Jr., Undersecretary Emmie Liza Perez-Chiong, Asst. Secretary Ariel Valencia, at Vice Chair ng House Committee on Health, Congressman Peter Miguel, na sumusuporta sa adbokasiya ng DOH para sa mas ligtas at malusog na Pilipinas.| ulat ni EJ Lazaro