Sa ginanap na Ligtas Christmas Hospital Preparedness and Response Rounds ng Department of Health bilang paghahanda ngayong Pasko, inihayag ni Secretary Ted Herbosa na alisto ang mga ospital sa pagbabantay ng mga sakit na may kaugnayan sa Holiday Heart Syndrome kagaya ng Stroke. Bukod pa ito sa pagtutok at tuloy-tuloy na operasyon ng mga ospital para sa Road at Fire Cracker Related Injuries na karaniwan nang binabantayan tuwing Pasko at Bagong Taon.
Ang Holiday Heart Syndrome ay isang kondisyon dulot ng labis na pag-inom ng alak, stress, kakulangan sa pahinga at pagkain ng maalat o matataba na nagpapataas sa presyon. Maaari itong humantong sa arrhythmia o abnormal na heart rhythm na isa sa sanhi ng Stroke.
Sa pag-iikot ng DOH, ipinakita ng Philippine Heart Center (PHC) na pumalo sa humigit kumulang 60 ang kaso ng Stroke mula Hulyo hanggang Nobyembre 2024 na tinutukan ng ospital. Habang may naitalang pitong kaso ng Stroke bago pa man mag-Pasko, mula December 1 hanggang 20, 2024.
Maaari pang tumaas ang bilang ng mga kaso ng Stroke matapos ang Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon kung hindi mapipigilan ang labis na pag-inom ng alak at pagkain mula sa sunod-sunod na handaan.
Nakita na ng ospital ang ganitong pagtaas noong 2023. Ayon sa PHC, noong December 2023 umabot sa 38 ang kaso ng Stroke sa ospital na tumaas sa 42 pagdating ng Enero 2024.
Ito ang pinakamataas na bilang ng Stroke na naitala ng ospital sa buong taon. Habang ang 110 kaso ng Acute Coronary Heart Syndrome na naitala ng PHC ng December 2023 ay tumaas sa 115 pagdating ng January 2024.
Naitala naman ng East Avenue Medical Center (EAMC) ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Stroke kung ikukumpara ang bilang sa buwan ng Disyembre ng taong 2020 hanggang 2023. Nasa 188 ang Stroke patients noong December 2020. Mas mataas naman ang bilang noong December 2021 na umabot ng 226, na muling tumaas noong December 2022 na umabot sa 247.
Pumalo naman sa 328 ang kaso ng Stroke sa EAMC na naitala sa buwan ng Disyembre 2023.
Sa unang pagkakataon, isinama rin ng DOH ang pribadong ospital sa Ligtas Christmas Hospital Preparedness and Response Rounds, at dito ipinakita sa Kalihim ng Kagawaran na tumaas din ang mga kaso ng Stroke sa St. Lukes Medical Center Quezon City. Taong 2023, 415 ang kaso ng Stroke ang kanilang naitala, na mas mataas kumpara sa bilang noong 2022 na nasa 295.
Ngayong taon, nakapagtala na ng Stroke Discharges ang ospital mula Enero hanggang Nobyembre na umabot na sa 339.
Patuloy na hinihikayat ng DOH ang bawat pamilyang Pilipino na panatilihing malusog ang kanilang pangangatawan sa pamamagitan ng tamang pagkain, regular na ehersisyo, at disiplina sa panahon ng kapaskuhan at sa pagsalubong sa bagong taon.
“Mahal po ng Kagawaran ng Kalusugan ang ating mga kababayan. Katulad ng pag-aalaga ninyo sa inyong mga kaanak, kami ay nagpapa-alala na iwasan ang sobra sobrang pagkain ng mga maaalat, matataba at matatamis na pagkain ngayong holiday season. Damihan ang pagkain ng gulay at prutas na dapat ay kalahati ng inyong Pinggang Pinoy. Humanap po tayo ng oras na mag-ehersisyo,” pahayag ni Secretary Ted Herbosa.
Kasama rin na isinusulong ng Kagawaran ang kampanyang BiyaHealthy at Iwas Paputok upang makaiwas sa road at firecracker related injuries na babantayan din sa mga ospital. “Huwag uminom ng alak kung magmamaneho at huwag nang magpaputok. Mapanganib sa mga menor de edad ang parehong alak at paputok! Isara po natin ang 2024 nang ligtas at sama-samang salubungin ang 2025 nang malusog, dahil sa Bagong Pilipinas, Bawat Buhay Mahalaga,” dagdag ni Sec. Herbosa.