Isang makulay na selebrasyon ang naganap ngayong araw, December 12, 2024, sa Ayala Malls, Legazpi City, para sa awarding ceremony ng Art and Comic Strip Contest na inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) Albay Provincial Office. Ang patimpalak ay may temang “Likhaing sining, ilustrasyon at kulay, hango sa adbokasiya laban sa child labor at karahasan sa kababaihan.”
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng paggunita sa 32nd National Children’s Month at ng 18-Day Campaign to End VAW. Dinaluhan ito ng 20 kabataang kalahok mula sa iba’t ibang paaralan sa Albay—siyam sa Art Category at labing-isa naman sa Comic Strip Category.
Sa Art Category, itinanghal bilang 1st Prize at Popularity Awardee si Jethro Bonzo, 14 taong gulang mula sa Balogo High School, Oas, Albay. Sa Comic Strip Category, kinilala bilang 1st Prize winner si Iker Jan B. Olaybal, 12 taong gulang mula sa Sto. Domingo Central School, Sto. Domingo, Albay.
Layunin ng patimpalak na itampok ang talento ng mga kabataang Albayano sa sining habang itinutulak ang adbokasiya ng DOLE laban sa child labor at karahasan sa kababaihan. Naging katuwang dito ang Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) at Provincial Council Against Trafficking in Persons and Violence Against Women and Children (PCAT-VAWC). | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay