Naging matagumpay ang pagsasanib-puwersa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Zamboanga Sibugay sa pagbibigay ng tulong sa 309 na mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa lalawigan.
Pinagtibay ng dalawang ahensya ang kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan nina Fire Supt. Jacqueline Ortega, provincial fire marshal ng Zamboanga Sibugay, at Provincial Director Elamsalih Ungad ng DOLE-Sibugay.
Ang kasunduan ay nakatuon sa pagpapatupad ng Clean and Green Program ng BFP sa pamamagitan ng paglalagay ng hardin sa lahat ng fire station sa lalawigan gamit ang mga disaster-resilient crops.
Ang inisyatiba ay nagbigay-diin sa sustainability ng komunidad at resiliency sa panahon ng mga natural na kalamidad.
Ang mga benepisyaryo na inendorso ng mga opisyal ng barangay at pinili ng mga BFP personnel ay ang mga biktima ng mga sakuna.
Ang programa ay hindi lamang ang pagbibigay ng pansamantalang trabaho kundi nakakaambag din sa pangangalaga ng kapaligiran at sa disaster risk reduction. | ulat ni Lesty Cubol | RP1 Zamboanga