Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng establisyimento na gumagawa, nagdi-distribute, at nagbebenta ng paputok na sumunod sa mga itinakda ng Occupational Safety and Health Standards.
Batay sa Labor Advisory No. 15, Series of 2024, layunin nito na tiyaking ligtas at maayos ang mga lugar ng trabaho upang maiwasan ang mga insidente habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon.
Inatasan din ng DOLE ang mga Regional Directors na makipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), at mga Local Government Units upang masigurong sinusunod ng mga establisyimento ang mga batas tulad ng Republic Act 11058 at Department Orders No. 198 at 134.
Binigyan din nito ng kautusan ang mga opisina nito na isumite ang mga nasuri nilang establisyimento sa Bureau of Working Conditions bago ang ika-10 ng Enero, 2025. | ulat ni EJ Lazaro