Mas paiigtingin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education (DepEd) ang ugnayan nito para sa implementasyon ng Tara, Basa! Tutoring Program.
Ngayong araw, lalagda sa isang MOA sina DSWD Secretary Rex Gatchalian at DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara sa DepEd Central Office sa Pasig City.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, sumisimbolo ito sa patuloy na pagbibigay ng suporta sa edukasyon para sa kabataan at mga mag-aaral na nahihirapan o hindi pa marunong bumasa.
Dagdag pa nito, ang MOA ay tatagal hanggang 2028 para matiyak ang maayos na implementasyon ng programa.
Matatandaang nitong November 22, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order 76, kung saan idinedeklara ang Tara, Basa! Tutoring Program bilang isa sa mga flagship program ng national government.
Ang Tara, Basa! Tutoring Program ay isang reformatted educational assistance program ng DSWD na naglalayong turuan at sanayin ang mga college students mula sa low-income families para maging tutors at YDWs.
Sa kasalukuyan, may 120,359 college students, struggling at non-reader elementary learners, at parents ang nagbenepisyo sa nasabing programa. | ulat Merry Ann Bastasa