Iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na hindi pork barrel ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ang pahayag ay tugon sa naunang komento ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang programa ay katulad ng pork barrel at nasa kamay ng mga barangay official ang listahan ng mga benepisyaryo.
Ayon kay Secretary Gatchalian, walang kapangyarihan ang mga barangay official na humawak ng listahan ng mga benepisyaryo ayon sa mga umiiral na alituntunin ng programa.
Aniya, maaari lamang mag-refer ang mga mambabatas at local official ng mga posibleng tumanggap ng ayuda ngunit dadaan pa rin ito sa masusing pagsusuri ng mga social worker.
Batay sa datos ng DSWD, umabot sa halos limang milyong ‘near poor’ Filipinos ang nabenepisyuhan ng AKAP mula nang simulan ang programa noong January hanggang December 26 ngayong taon.
Ang AKAP ay may ₱26.7-billion na pondo sa General Approriations Act of 2024 na layong magbigay ng tulong pinansyal sa mga minimum wage earner na apektado ng inflation. | ulat ni Diane Lear