Iniulat ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang kanilang matinding kalungkutan at pagkabigla sa malagim na insidente kung saan nasangkot ang isang Pilipinong domestic worker sa pagkamatay ng isang batang Kuwaiti sa tahanan ng amo nito.
Sa kanilang pahayag, ipinahatid ng Embahada ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng biktima sa mga panahong ito.
Tiniyak din ng embahada na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga Kuwaiti authorities upang masusing maimbestigahan ang nasabing kaso.
Kasabay nito, binibigyan din nila ng assistance ang sangkot na Pinoy na manggagawa alinsunod sa batas ng Kuwait at mandato ng Embahada.
Ayon sa Embahada, ito ay isang “isolated incident” at hindi sumasalamin sa kabuuang pagkatao ng mga Pilipino sa Kuwait, na kilala sa kanilang sipag, pagiging mapagkakatiwalaan, at positibong ambag sa lipunan.| ulat ni EJ Lazaro