Umaasa ang Department of Agriculture-PhilRice na makapag-isyu na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang Executive Order (EO) para hikayatin ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng opsyon na ‘half-cup rice.’
Ito ay sa gitna na rin ng patuloy na naitatalang daan-daang metrikong tonelada ng bigas at kanin ang nasasayang kada taon dahil sa iresponsableng pagkukunsumo.
Ayon kay PhilRice Development and Communication Division head Hazel Beltran, naipaabot nila ang hiling sa Pangulo sa tulong ng Private Sector Advisory Council.
Suportado na rin aniya ito ng Pangulo lalo’t nag-aalala ito sa kanilang iprinesentang datos kaugnay ng rice wastage.
Sakali namang maaprubahan at maipatupad ang “half-cup rice option” sa mga tanggapan ng gobyerno, posibleng i-rollout ito sa taong 2025.
Sa oras na makitang epektibo ito sa pagbaba ng food wastage, saka umano ito irerekomenda rin sa pribadong sektor. | ulat ni Merry Ann Bastasa