Tulad ng nakaugalian, sa Malacañan planong salubungin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ang pagsapit ng Pasko.
Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na plano rin nilang tumungo sa Baguio at Ilocos Norte upang sandaling makapagpahinga.
Matapos nito, agad ring babalik sa Maynila ang Pangulo lalo’t wala naman silang day off.
Pagsisiguro ni Pangulong Marcos, nasaan man siya, flexible o palaging available ang kaniyang schedule upang agad na tumugon ano man ang kailanganin ng pagkakataon.
“Very flexible naman ang schedule ko kasi hindi ko maaaring sabihin na hindi aalis. You know, baka may mangyari, baka kailangan ako, whatever it is I’m always available. But siyempre lahat tayo we could use a little break.” -Pangulong Marcos.
Sabi ng Pangulo, ilan sa mga plano niyang gawin ngayong Pasko, ipagpatuloy ang matagal na niyang naantalang pagbabasa ng mga libro.
“So, I will use the time, ang dami kong libro na hindi pa nababasa. So, babasahin ko silang lahat habang bakasyon.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan