Kinumpira ng Government Service Insurance System (GSIS) na ipagagamit nito ang kanilang tatlong ektaryang lupain sa bahagi ng Quezon City Circle para maging bagong terminal ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon sa GSIS ang ‘Project Hub’ ay nagkaroon na ng working agreement sa pagitan ng DOTr, GSIS, MMDA at Quezon City LGU para maisakatuparan ito.
Sa nasabing proyekto, inaasahan na makakatulong ito sa iba’t ibang transport lines na kasalukuyang nasa lugar.
Paliwanag ng GSIS, sila ang may sagot sa lupang tatayuan ng nasabing transport hub, habang ang DOTr naman, sa tulong ng World Bank, ang responsable sa pagpaplano ng financing at implementasyon ng intermodal terminal hub.
Ang MMDA naman ang magsasagawa ng full-blown feasibility study
para sa traffic management at basic engineering design.
Ang Quezon City Government, bilang host city, ay siyang mag-aasikaso ng mga permit at iba pang requirements para sa maayos na pagsasagawa ng nasabing terminal.
Itinalaga naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Presidential Management Staff Undersecretary Rodolfo Palattao IV para tutukan ang nasabing proyekto.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, malaki ang kapakinabangan ng mga miyembro nito sa naturang proyekto at hanggat makakatulong aniya ang nasabing terminal sa mga miyembro ng GSIS ay ipagpapatuloy nito ang pagsuporta sa ‘Project Hub’.
Ito ay patunay aniya ng pagtutok ng gsis na mapagsilbihan ng mabuti ang kanilang mga miyembro. | ulat ni Lorenz Tanjoco