Nagulantang sa mahimbing na tulog ang mga taga-siyudad ng Borongan, Eastern Samar, nang magising sa nasusunog na isa sa mga heritage structures sa downtown area, bandang 12:30 ng madaling araw kanina.
Ayon kay City Fire Marshal, Senior Inspector Benito Elona, ang sunog na posible’y electrical ang sanhi ay hinihinalang nagmula sa isang establisimiyento na nangungupahan sa naturang building na itinayo noon pang taong 1919.
Ngunit dahil sa maagap na pag-responde ng mga bombero mula sa siyudad at mga karatig-bayan, hindi na lumawak ang sunog.
Malaking tulong rin, aniya, ang ginawang bayanihan ng mga residente na nagsagawa ng bucket brigade sa pag-apula ng apoy.
Wala namang naitalang casualty o nasugatan sa sunog, ngunit ang danyos ay umabot sa mahigit dalawang milyong piso.
Kaugnay nito, nanawagan si Elona sa publiko na mag-ingat sa sunog lalo na at papalapit ang Bagong Taon; iwasan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok at siguraduhin ang fire safety sa bawat tahanan.
Mahalagang malaman na ang Bocar Building ay isang historic American-era structure na pagmamay-ari ng Ty-Bocar Families na sakop na ng isang siglo | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar | RP1 Borongan