Nasa 12,266 na mga Agrarian Reform Beneficiaries mula sa mga probinsya ng Camarines Sur at Camarines Norte ang nakatakdang tumanggap ng Certificate of Land Ownership (CLOA) at Certificate of Condonation with Release of Mortgage (CoCRom) sa Fuerte Camsur Sports Complex sa Pili, Camarines Sur, ngayong araw, December 20.
Sa ilalim ng ‘New Agrarian Emancipation Act’ na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong nakaraang taon, nasa 14,079 CoCRoMs ang ipapamahagi kung saan binura ang mahigit P391-M na pagkakautang ng 11,641 benepisyaryo ng reporma sa lupa sa Bicol na sumasaklaw sa 18,247 ektarya ng mga lupain.
Kasama rin sa ipapamahagi ang 678 na bagong titulo ng lupa, kabilang ang 350 electronic land titles (e-titles) na bahagi ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) project, at 315 regular na mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA).
Aasahan din sa nasabing event si DAR Undersecretary Rowena Niña O. Taduran, Senator Francis Tolentino, at iba pang mga lider at miyembro ng komunidad na magsusulong ng tunay na repormang agraryo para sa mga magsasakang Pilipino. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay