Aabot na sa 817 vape establishments ang na-raid ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isang buwang nationwide crackdown nito kontra sa mga puslit na vape.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr., mula nang simulan ang operasyon noong Oct. 16 ay aabot na rin sa 563,284 units/pods ng vape ang nasasabat na may katumbas na tax liability na aabot sa P415.3 milyon.
Kabilang sa mga violation na natukoy sa mga retailer ang kawalan ng revenue stamps, non-payment ng excise taxes, at kawalan ng BIR registration para sa ibinebentang vape products.
Samantala, bukod sa mga vape reseller na may physical stores, iniimbestigahan na rin ng BIR ang napaulat na bentahan ng iligal na vape at sigarilyo online.
Dahil dito, hinikayat nito ang publiko na i-report ang lahat ng online stores na may iligal na vape sa [email protected]
“All online platforms and e-marketplaces should not offer for sale all illicit vape. Take them down. Block the online sellers from doing business in your platforms. Check for other keywords or phrases that these criminals use to hide or mask what they are really selling in your platforms. Report all online stores with illicit vape to [email protected]”, ani Commissioner Lumagui.
Una nang iginiit ni Comm. Lumagui Jr. na hindi magkakaroon ng vape smuggler sa bansa kung walang tumatangkilik na vape retailer/reseller. | ulat ni Merry Ann Bastasa