Patuloy pa ang pagtulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga dating miyembro ng iba’t ibang non-state group, violent extremist groups at adults and children in armed conflict situations.
Ayon kay DSWD Undersecretary Alan Tanjusay, may kabuuang 77,089 na decommissioned combatants at kanilang mga pamilya ang tinasa ng DSWD.
Sumailalim ang mga ito sa cross-matching procedures upang matukoy ang kanilang pagiging kwalipikado para sa Social Pension para sa mga mahihirap na senior citizen at ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Nakipagtulungan ang ahensya sa TESDA para magbigay ng skills training sa mga dating combatants.
Ayon sa DSWD official ang mga dating combatant mula sa South Cotabato, Sultan Kudarat, at North Cotabato ay tumanggap ng training para sa pagmamason, massage therapy, electrical installation, dressmaking, at organic agriculture.
Ang case management at project development worker ng DSWD ay nagsagawa rin ng regular na home visitation at re-engagement activities sa mga dating combatants sa Davao region.
Nagsagawa rin ang ahensya ng validation at assessments para sa shelter assistance sa Camp Abubakar sa Maguindanao del Sur at Camp Bilal sa Monai, Lanao del Norte sa kahilingan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU).| ulat ni Rey Ferrer