Kumpiyansa si Speaker Martin Romualdez na magagawang mapagtibay ng Kamara ang lahat ng LEDAC priority bills ng administrasyon bago tuluyang matapos ang 19th Congress.
Dalawamput pito sa 28 LEDAC priority measures ang kanila nang napagtibay, habang 61 mula sa 64 na prayoridad na lehislasyon sa ilalim ng Common Legislative Agenda (CLA) ng 19th Congress, ang kanila nang natapos.
“We are well on track to achieving our legislative goals under President Marcos administration. These laws and measures are concrete testaments to our unwavering commitment to the welfare and progress of our nation. Our mission is clear: to ensure that every Filipino benefits from these reforms.” giit ni Romualdez
Sa 28 na LEDAC priority bills, 11 na ang naging ganap na batas, may 14 na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa, at may dalawa na nakasalang sa Bicameral Conference Committee.
Partikular dito ang Blue Economy at Amyenda sa Foreign Investors’ Long Term Lease.
Kasalukuyan namang tinatalakay pa sa komite ang amyenda sa Agrarian Reform Law, na isa rin sa mga panukala sa Common legislative Agenda kasama ang Budget Modernization Bill at National Defense Act.
Sabi ni Romualdez, ipinapakita nito ang pakikiisa ng Kamara sa hangarin na Bagong Pilipinas Agenda ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“We worked tirelessly to ensure the passage of laws that directly impact the lives of Filipinos as instructed by President Marcos. Our goal remains to finish strong by passing the remaining measures to achieve 100% approval of all LEDAC priority bills.” saad pa niya
Sa pagbabalik sesyon aniya ng Kongreso sa Enero ay target nilang matapos na ang lahat ng nalalabing LEDAC bills, at iba pang priority measures ng Kamara. | ulat ni Kathleen Forbes