Ipapasuri na rin ng House Blue Ribbon Committee sa mga otoridad gaya ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang iba pang lilitaw na pangalan sa ginagawa nilang imbestigasyon ng confidential at intelligence fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng pagkumpirma ng PSA na walang birth, marriage o death record ang isang Mary Grace Piattos.
Sabi ni House Blue Ribbon Committee Chair Joel Chua, oras na may mga kaduda-duda pang mga pangalang lumabas sa kanilang imbestigasyon ay kanila na itong ipapasuri.
Una nang hiniling ng komite ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) para suriin ang handwriting sa naturang acknowledgement receipts.
Katunayan, hinihintay aniya nila ang pagsusuri sa isa pang pangalan sa resibo ng DepEd at OVP na si “Kokoy Villamin” na magkaiba ang pirma.
Sabi naman ni Chua, na hindi na nila ikinagulat ang resulta ng pagsusuri ng PSA.
“Right from the very start naman talaga yon naman talaga yong suspect namin kaya nga pinasubmit don sa psa so definitely that will be part of our committee reports. Parang bogus ‘yong acknowledge receipt na lumalabas parang ganon ang nangyayari ‘don so siguro magiging next step namin is pati yong iba papacheck na rin namin yong ibang mga names na madidiskubre namin.” giit ni Chua | ulat ni Kathleen Forbes