Dalawang araw bago ang pagsalubong ng 2025, nagkalat na rin ang ilan sa mga pampaswerte at alternatibong pampaingay gaya ng torotot sa Commonwealth Market sa Quezon City.
Kaliwa’t kanan na ang mga stall na may nakadisplay na ang ibat ibang size ng torotot at snake ornaments na umano’y pampaswerte para sa pagpasok ng 2025.
Ang mga torotot na pambata ay mabibili sa halagang ₱15-₱20 ang kada piraso.
Mabenta na rin ang mga snake at gold pineapple ornaments na depende sa laki at disenyo ang presyo. Pinaka-mura ang ₱30 habang mabibili sa ₱180 ang mas malaking size.
May pangsabit ding palay lucky charm na nagkakahalaga rin ng ₱35 kada bungkos.
Mayroon ding nagbebenta ng ibat ibang gold na palamuti gaya nalang ng mga chocolate na nakabalot sa gold foil at mistulang gold coins na mabibili ng ₱25 ang kada pakete para sa 12 pirasong gold coins habang ₱180 naman para sa pinakamalaki.
Isa sa maagang bumili rito ng pampaswerteng gold coins si Nanay Zenaida na ilalagay daw ito sa kanyang prosperity bowl para sa Bagong Taon.
Wala naman daw masamang maniwala dahil naging bwenas din naman daw ang 2024 sa kanya. | ulat ni Merry Ann Bastasa