Nagbebenta na rin ng ₱40 na kada kilong bigas ang ilang rice retailer sa Kamuning Market sa Quezon City.
Bukod pa ito sa murang bigas na planong ibenta simula ngayong araw ng DA sa mga napiling palengke gaya ng Kamuning Market sa ilalim ng Rice-for-All program.
Sa pwesto ni Mang Javier, nasa bungad agad ang ₱40 na kada kilo ng well-milled local rice na pinakamura sa mga benta nito. Ito aniya ay mula sa kanyang mga supplier sa Nueva Ecija at Isabela.
Kahapon pa nagsimula ang bentahan nito na tinangkilik naman ng mga mamimili sa palengke.
Ayon kay Mang Javier, ang pagbebenta nila ng murang bigas ay tulong sa pamahalaan para magkaroon ng mas murang opsyon ng bigas ang mga mamimili.
Umaasa itong matutulungan sila ng DA para makakuha ng mas murang suplay ng bigas para maipagpatuloy ang bentahan ng ₱40 kada kilo. | ulat ni Merry Ann Bastasa