Ganap na 4:30 ng hapon ngayong araw NG Lunes, Disyembre 2, opisyal na natanggap ng House Secretary General ang impeachment complaint na inihain ng Tindig Pilipinas, Magdalo, Mamamayang Liberal, at Civil Society Groups laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay dating Sen. Leila de Lima, na tagapagsalita ng complainants sa reklamo, lima sa anim na impeachable offense ang nilabag ng bise presidente na kanilang inilatag sa 24 na article of impeachment.
Una dito ang Culpable Violation of the Constitution and Graft and Corruption dahil sa kabiguan na i-account ang P125 million na confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022 at P650 million na dagdag na confidential at intelligence funds para sa OVP at Department of Education (DepEd) noong 2023.
Kasama rin sa reklamo ang maling paggamit sa P2.735 billion na confidential fund noong siya ay Davao City Mayor; P12 billion na disallowances at suspensions nang iwan ang DepEd pati na ang mga rigged o kuwestyonableng bidding ng laptops.
Sunod ang betrayal of public trust; bribery and llegal wealth accumulation; at other high crimes kung saan isa dito ang ginawa niyang pagbabanta laban kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Sabi naman ni House Secretary General Reginald Velasco, may constitutional mandate ang Kamara, salig sa 1987 Philippine Constitution na aksyunan ang impeachment complaint na ihahain.
“It is crucial to underscore that addressing an impeachment complaint is not a discretionary act for the House of Representatives but a constitutional obligation. The Constitution prescribes clear steps to ensure fairness and adherence to the rule of law.” sabi ni Velasco.
Tatalima aniya ang Kamara sa mandato nito kasabay ng pagtiyak na susundin ang Saligang batas, panuntunan nito at principles of due process.
“The House of Representatives remains committed to conducting the proceedings with transparency, impartiality, and full respect for the rule of law. This constitutional mandate is a vital function of Congress in maintaining public trust in government institutions.” dagdag pa ni Velasco. | ulat ni Kathleen Forbes