Inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na magpaliwanag ang isang District Office head ng Metro Manila kaugnay ng umano’y pandarayang naganap sa pagpaparehistro ng isang trak na nasangkot sa isang malagim na aksidente sa Parañaque City noong December 6.
Matatandaang nagresulta sa karambola ng mga sasakyan ang pagkasira ng preno ng trak sa Skyway kung saan isa ang nasawi habang lima ang sugatan.
Ayon kay Asec. Mendoza, bahagi ito ng masusing imbestigasyon upang malaman kung paano nairehistro ang trak nang hindi dumaan sa kinakailangang road worthiness inspection.
Binigyan ng limang araw ang opisyal para magpaliwanag kung bakit hindi dapat mapanagot sa anumang administratibong aksyon laban sa kanya alinsunod sa 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS). | ulat ni Merry Ann Bastasa