Sa patuloy na pag-alburoto ng Bulkang Kanlaon, pinaghahandaan ng Regional Incident Management Team ang pag-identify ng karagdagang evacuation centers sa isla ng Negros.
Ayon kay Office of Civil Defense Western Visayas Spokesperson Tina Ilustre, sa oras na kailangang lumikas ng maraming residente sa Canlaon City, may mga evacuation centers na na-identify sa San Carlos City, Negros Occidental, bayan ng Vallehermoso, at Guihulngan City sa Negros Oriental.
Ang mga residente sa bayan ng La Castellana ay maaaring mailikas sa bayan ng Pontevedra at Himamaylan City, Negros Occidental.
Samantala, ang iba pang bayan at siyudad ay may sapat pang evacuation centers.
Sa worst-case scenario bukas, ayon sa OCD, ang Panaad Stadium sa Bacolod City ay makakatanggap ng 30,000 evacuees.
Batay sa monitoring ng Task Force Kanlaon, mahigit 14,000 residente sa isla ng Negros ang nasa 32 evacuation centers.
Tiniyak naman ng Task Force na tuloy-tuloy ang response operations para sa mga apektadong residente.
Sa ngayon, nasa Alert Level 3 pa rin ang Bulkang Kanlaon. | ulat ni Paul Tarrosa | RP1 Iloilo