Inihayag ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang agarang pangangailangan ng reintegration program para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagbabalik sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng House Resolution No. 2056 at House Bill No. 1130, isinusulong ni Magsino ang isang hakbang upang matiyak ang matagumpay na pagbabalik ng mga OFW, lalo na iyong mga naharap sa mga hamon sa ibang bansa o sapilitang pinauwi.
Binigyang-diin ni Rep. Magsino ang kahalagahan ng House Resolution No. 2056 na naglalayong imbestigahan ang pagpapatupad ng mga reintegration program ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at iba pang institusyon.
Ayon sa kaniya, kailangang suriin ang pagiging epektibo at saklaw ng mga programang ito upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga nagbabalik na OFWs.
Ipinakilala rin ni Rep. Magsino ang House Bill No. 1130 na nagmumungkahi ng isang Integrated Reintegration Program na tutugon sa pang-ekonomiya, panlipunan, at sikolohikal na pangangailangan ng lahat ng nagbabalik na OFWs, anuman ang kanilang dokumentasyon o dahilan ng pag-uwi.
Kabilang sa programang ito ang economic reintegration na nakatuon sa trabaho at pagpapaunlad ng negosyo, social reintegration para sa welfare services at community engagement, capacity-building para sa skills training at edukasyon, at psychosocial support para sa emotional well-being at social connection. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes