May sapat pang panahon ang Kongreso para ituwid ang mga kinukwestiyong item sa panukalang 2025 national budget ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri.
Sinabi ng senador, na kung seryoso si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang Kongreso sa mga gustong baguhin sa National Budget bill ay pwede pa itong ibalik sa Bicameral Conference Committee, habang hindi pa ito napipirmahan ng Pangulo.
Maaari rin aniyang mag overtime ang Kongreso at hindi na muna mag adjourn bukas para matugunan ang budget bill.
Nakatakda na kasing mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso bukas, December 18.
Pero base naman sa legislative calendar ay hanggang December 20 pa sila pwedeng mag sesyon.
Kabilang sa mga nakuwestiyong nilalaman ng 2025 budget bill ay ang pagkakatapyas ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at State Universities and Colleges (SUCs), paglobo ng budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at ang zero subsidy para sa PhilHealth. | ulat ni Nimfa Asuncion