Tuloy-tuloy na ang libreng sakay sa MRT3 ngayong araw bilang maagang pamasko ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nagsimula ang libreng sakay dito sa tren sa pagbubukas ng serbisyo nito kaninang 4:30 a.m. at magtatagal hanggang mamayang 10:34 p.m. sa North Ave station at 11:08 p.m. sa Taft Ave station.
Dito sa MRT Quezon Ave station, sa bungad pa lang ay may tauhan ng tren na may bitbit na placard kung saan nakasulat na libre ang sakay ngayong araw.
Mahigpit pa rin ang seguridad sa loob, at iniinspeksyon pa rin ang mga bag ng mga pumapasok na pasahero.
Kailangan lamang ding pumila sa ticketing booth at sabihin ang pupuntahang destinasyon para mabigyan ng stored value card. Hinikayat din ang mga pasahero na huwag gamitin ang beep card para hindi mabawasan ng load balance.
Lubos namang ikinatuwa ng mga pasahero ang libreng sakay sa MRT3 na handog ngayong araw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ilan din sa kanila ang nagulat na magtatagal ng buong araw ang libreng sakay.
Una nang sinabi ni Pangulong Marcos na simpleng paraan niya ang libreng sakay para maibsan ang gastos ng mga kababayang abala sa paghahanda para sa Pasko. | ulat ni Marry Ann Bastasa