Inilabas na ng Philippine National Police – Civil Security Group ang listahan ng mga ipinagbabawal na paputok at pyrotechnic devices sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Alinsunod ito sa Executive Order No. 28 at Republic Act 7183 kung saan kabilang sa ipinagbabawal ang Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star (Big), Pla-Pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, at Atomic Triangle.
Kasama rin dito ang mga malalakas na paputok tulad ng Large-size Judas Belt, Goodbye Delima, Hello Columbia, Goodbye Napoles, Super Yolanda, Mother Rockets, Kwiton, Super Lolo, at Goodbye Bading.
Gayundin ang Goodbye Philippines, Bin Laden, Coke-in-Can, Pillbox, Kabasi, Special, Kingkong, Tuna, at Goodbye Chismosa.
Ayon sa CSG, mahigpit na ipinagbabawal ang mga paputok na may explosive content na lampas sa 0.2 grams o higit sa 1/3 teaspoon ng pulbura.
Nagpaalala naman ang Pulisya sa publiko na tiyaking sa mga sertipikadong retailer lamang bibili ng mga paputok at pailaw upang masiguro na ligtas at masaya ang pagdiriwang ng Bagong Taon. | ulat ni Jaymark Dagala