Inulat ng PAGASA na alas-3 ng madaling araw ngayong araw, ang Low Pressure Area (LPA) na dating si “Querubin” ay namataan sa karagatan ng Mahinog, Camiguin (9.2°N, 124.8°E). Ang Shear Line ay patuloy na nakakaapekto sa silangang bahagi ng Southern Luzon, habang ang Northeast Monsoon naman ay umiiral sa nalalabing bahagi ng Luzon.
Sa Visayas, Mindanao, at Palawan, asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng LPA. Ang mga pag-ulan ay maaaring magdulot ng flash floods o landslides, lalo na kung may katamtaman hanggang sa malakas na ulan.
Sa Bicol Region, Quezon, at nalalabing bahagi ng MIMAROPA, maulap din ang kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa Shear Line. Ang parehong kondisyon ay posibleng magdulot ng flash floods o landslides.
Samantala, sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora, asahan ang maulap na panahon na may mga pag-ulan dulot ng Shear Line. Ang ulan ay maaaring magdulot ng flash floods o landslides.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan na may panaka-nakang mahinang pag-ulan dulot ng Northeast Monsoon. Walang inaasahang malalaking epekto sa lugar na ito.
Manatiling alerto at iwasan ang mga lugar na madaling bahain o gumuho. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay