Sa pagpasok ng Disyembre, naglabas ng ilang paalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga commuter sa gitna ng nagsisimula nang Christmas rush.
Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz III, mas mainam kung mas maaga nang planuhin ng mga byahero ang kanilang pagbiyahe upang matiyak ang ligtas at maayos na paglalakbay.
Hinikayat din nito ang mga commuter na tangkilikin ang mga lehitimong pampublikong transportasyon at huwag sumakay sa mga colorum para hindi malagay sa alanganin ang kaligtasan.
Pinayuhan din ang publiko na agad i-report ang anumang sobra-sobrang singil, overloading, o iba pang paglabag sa kanilang mga sinasakyang pampublikong transportasyon.
Sa panig ng LTFRB, tiniyak ni Chair Guadiz na nakikipagtulungan na ito sa mga operator at traffic enforcer kaugany ng inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Una na ring sinabi ng LTFRB na sinimulan na nito ang pagproseso ng aplikasyon para sa special permits ng public utility vehicles (PUVs) na bibyahe ngayong Christmas season. | ulat ni Kathleen Jean Forbes