Nagpadala na ang Land Transportation Office (LTO) ng mga enforcer para tumulong sa pamamahala ng trapiko sa bahagi ng Andaya Highway sa Lupi, Camarines Sur.
Ito ay bilang tugon sa ilang araw nang mabigat na trapiko sa naturang kalsada.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, layunin nitong suportahan ang pulis at mga tauhan ng lokal na pamahalaan (LGUs) sa pag-aayos ng daloy ng trapiko.
Sa inisyal na ulat ng LTO, isang lane lamang ang nadaraanan sa kalsada ng Lupi matapos itong maapektuhan ng soil erosion dulot ng malakas na ulan.
Kasunod nito, pinayuhan din ni Asec. Mendoza ang mga motorista na habaan ang pasensya sa kabila ng mabigat na trapiko at iwasan ang mag-counterflow na lalo pang nagpapasama sa sitwasyon.
Pinapayuhan din ang mga motorista at commuter na maghanap ng alternatibong ruta o mode papunta at mula sa Bicol Region. | ulat ni Merry Ann Bastasa