Umabot sa PHP 7,109,615.26 ang halaga ng mga nakumpiskang iligal na droga mula sa ikinasang 112 na operasyon ng PNP Bicol sa iba’t ibang lugar sa rehiyon para sa buwan ng Nobyembre ngayong taon.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police Bicol, nasa 1,045.25 gramo ng shabu at 11.84 gramo ng marijuana ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa 125 na indibidwal na sangkot sa mga drug-related activities.
Ang probinsya ng Albay ang nakapagtala ng pinakamataas na nakumpiskang iligal na droga na nagkakahalaga ng P2,949,587.60, sinundan ito ng Masbate na nasa P1,537,306.44, at Camarines Norte na may P1,520,970.28. Nakapagtala rin ang Camarines Sur ng mga nakumpiskang iligal na droga na nagkakahalaga ng P649,252.42, habang sa Sorsogon ay P398,425.60, at ang Naga City na nakapagtala ng P54,072.92. Wala namang naiulat mula sa Catanduanes para sa buwan ng Nobyembre.
Sa ngayon, nasa 195 na mga kaso na ang nai-file sa mga korte, at malaking hakbang aniya ito sa kampanya kontra droga ng rehiyon. Sa kabila nito, patuloy ang kampanya ng pulisya sa pagpuksa sa mga iligal na droga para sa mapayapa at ligtas na komunidad. | ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay