Nahaharap ngayon sa patong patong na reklamo sa Office of the Ombudsman sina Malabon Cong. Jaye Lacson-Noel, mister nitong si Florecio Gabriel Noel at kagawad na si Romulo “Ibot” Cruz kaugnay ng umano’y pag-repack ng mga relief good mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Atty. Jayson Bernabe, abogado ng complainant na si Rogelio Gumba na umano’y tauhan ni Lacson-Noel, nag-ugat ang kaso nang mabiktima ng Bagyong Carina ang Malabon noong hulyo.
Karamihan umano ng mga food pack ng DSWD ay dinala sa headquarters ni Lacson-Noel at ito ay nirepack sa mga plastic bag. Kabilang umano sa tumulong sa repacking si Kagawad bot, na ibinahagi pa umano nito sa kanyang Facebook page.
Ang mga ni-repack sa plastic bags naman ay ang umano’y ipinamahagi ng mag-asawang Noel para sa mga constituent nito at pinalabas na galing ito sa kanila at hindi sa DSWD
Kabilang sa isinampang kaso ang paglabag sa RA 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction Management Act of 2010, RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Article 310 ng Revised Penal Code o Qualified Theft at RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Una nang nagbabala ang DSWD na bawal ang pageerepack muli ng food packs mula sa ahensya. | ulat ni Merry Ann Bastasa