Nadismaya si House Deputy Majority Leader Janette Garin sa bilyong pisong halaga ng nag-expire na gamot, medical supplies at bakuna.
Batay sa 2023 audit report ng Commission on Audit (COA), P11 billion na halaga ng gamot at medical supplies ang nag expire at hindi na nagamit, kasama na ang 7,035,161 vials ng COVID-19 vaccines.
Ipinapakita aniya ng naturang audit report ang mahinang pamununo at pamamahala ng Department of Health (DOH) noong nagdaang administrasyon.
Para naman hindi na maulit ang insidente, pinayuhan ni Garin na dati rin nagsilbi bilang Health secretary na i-monitor ng mga program director ang paggamit sa mga medical-related items.
At kung hindi mabantayan ay dapat aniya na alisin sila sa pwesto.
“Doon sa warehouse, imbentaryo sila ng imbentaryo, dapat doon may accountability kung sino ang implementing department ng DOH. Dapat may close coordination na kapag binili na dapat nang gamitin hindi kung kailan pa-expire na ay doon pa lang magkakandarapa na i-implement,” ani Garin.
Una nang nakuwestyon ni Garin si Health Secretary Ted Herbosa sa kawalan ng bakuna gaya ng para sa pertussis na nauwi sa pagkamatay ng mga indibidwal.
“Ang dami ngayong namamatay sa pertussis, stock out kayo sa bakuna. Ang dami ngayong may mga bulate, ang dami niyong mga nag-eexpire na praziquantel. Ang dami niyong mga binibiling gamot, nililibing siya kasi nag-eexpire,” saad pa niya.| ulat ni Kathleen Forbes