Mambabatas, inalmahan ang pahayag ni VP Durerte na pagwawaldas lang ng pera ang impeachment case laban sa kanya

Facebook
Twitter
LinkedIn

Binatikos ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre si Vice President Sara Duterte sa pahayag nito na pagwawaldas lang ng pera ang ginagawang impeachment complaint laban sa kanya.

Sa isa kasing pahayag sinabi ng Bise Presidente na pagwawaldas lamang ng pera ang impeachment at ginagamit para itago ang pagkukulang ng administrasyon.

Sinabi ni Acidre, wala sa posisyon ang Bise Presidente na punahin ang paggamit sa pera dahil na rin sa siya mismo ay iniimbestigahan sa pagwaldas ng ₱125-million na Confidential Fund sa loob lang ng 11 araw.

“Kung pagwawaldas lang din e di ba ang Bise Presidente ang tamang tao para mag-correct ng pagwawaldas. Hindi ho kami ang nakaubos ng ₱125-million in 8 days or 9 days. But that, being the case, I don’t think that procedures such as the impeachment are actually pagwawaldas in a sense,” diin ni Acidre.

Punto pa ng party-list solon, ang karapatan na maghain ng impeachment complaint ay bahagi ng demokrasya at paghahanap ng pananagutan sa matataas na halal na opisyal kaya hindi ito pag-aaksaya sa pondo

“Ito po ay mekanismo na nasa Saligang Batas. Kasama ito sa pagiging isang matatag na demokrasya. Ang checks and balances na nakasaad sa ating Konstitusyon ay nandyan po for a reason. And exactly for reasons like this, kung saan naghahanap tayo ng accountability mula sa pinakamataas na halal na pinuno ng ating bansa. I think every resource that we invest or we spend for this purpose is worth spending. Kasi kung wala ang paghahanap ng accountability at wala ang ating efforts para maitama ang maling ginagawa ng ating matataas na pinuno ng bansa, anong klaseng demokrasya rin naman tayo?” sabi pa ni Acidre.

Tinabla rin nito ang sinabi ng Bise na pinagtatakpan ng gobyerno ang mga pagkukulang nito.

Diin ni Acidre, kitang-kita naman ang mga ginagawa ng administrasyon para matugunan ang mga problema ng ating bansa.

Sinabi pa ng kongresista, wala talagang nakikitang tama ang isang tao na nagbubulag-bulagan at gusto lang manira.

“Ang taong gustong magbulag-bulagan talagang walang makikitang tama. At ang taong gusto lang manira walang makikitang tama sa anumang gagawin ng Kongreso,” saad pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us