Aminado ang Department of Agriculture (DA) na posibleng pumalo sa record high na 4.7 milyong metriko tonelada (MMT) ang volume ng rice import sa bansa sa pagtatapos ng taon.
Sa tala ng Bureau of Plant Industry (BPI), as of December 12, nasa 4.48MMT na ang kabuuang dami ng bigas na dumating sa bansa.
Paliwanag naman ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, tama lang ito dahil naging tugon ito ng pamahalaan sa epekto ng iba’t ibang kalamidad na nakaapekto sa rice sector at lokal na produksyon sa bansa.
Katunayan, inaasahan ng DA na aabot lamang sa 19.3MMT ang produksyon ng palay ngayong taon, na mas mababa mula sa 20.06 MMT noong 2023.
Sinabi rin ni Asec. De Mesa na makatutulong ang rice import para mapanatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa hanggang sa susunod na anihan. | ulat ni Merry Ann Bastasa