Ihaharap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ilang mga bagong asset nito kasabay ng kanilang pagdiriwang ng ika-89 na anibersaryo.
Naka-display sa Lapu-Lapu Grandstand sa Kampo Aguinaldo ang mga nasabing kagamitan gaya ng T-128 attack helicopter, tracked light tank, at ang tangkeng ipinangalan kay dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. noong siya’y major pa lamang.
Ayon sa AFP, ipinangalan sa dating Pangulo ang isang Command Post Attack Vehicle bilang pagpupugay sa kanya bilang isang Medal of Valor Awardee gayundin ang pagiging bahagi nito sa puwersa ng Pilipinas noong World War II.
Tampok din sa ibibida sa Pangulo mamayang hapon ang 10 bagong Black Hawk helicopter ng Philippine Air Force na kararating lamang ngayong buwan.
Alas-3 mamayang hapon, pangungunahan ng Pangulo ang programa kaalinsabay ng anibersaryo ng AFP kasama sina Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. at AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr.
Sasaksi rin sa naturang pagdiriwang ang mga dating AFP Chief of Staff na humahawak ng posisyon sa Pamahalaan gaya nila National Security Adviser Eduardo Año, Presidential Peace Adviser Carlito Galvez, at Presidential Assistant for Maritime Concerns Andres Centino, at iba pa. | ulat ni Jaymark Dagala