Binigyang pagkilala ng mga senador si dating Senator Santanina Rasul, na pumanaw nitong November 28 sa edad na 94.
Pinagtibay ng Mataas na Kapulungan ang Senate Resolution 226, para bigyang pagkilala ang buhay at makiramay sa pagpanaw ni Rasul.
Si Rasul ang natatanging babaeng Muslim na naging senador ng Pilipinas.
Nagsilbi siya bilang senador mula 1987 hanggang 1992, at mula 1992 hanggang 1995.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, ang dedikasyon ni Rasul sa pagseserbisyo publiko ay hindi natapos kahit pa hindi na ito senador, bilang naging miyembro pa ito ng government peace panel sa makasaysayang peace talks sa Moro National Liberation Front (MNLF) noong administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ipinunto naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, na naging magkatuwang si Rasul at ang kanyang amang si dating Senate President Nene Pimentel sa paglaban para sa Mindanaoan Empowerment at Representation.
Kabilang sa mga batas na inakda ni Rasul ay ang Republic Act No. 6850, na naggagawad ng civil service eligibility sa mga empleyado ng gobyerno na nagtrabaho sa isang career civil service posiiton, sa loob ng pitong taon; RA 6949 na nagdedeklara sa March 8 bilang national women’s day; RA 7192, na nagbukas ng pinto para sa mga kababaihan sa Philippine Military Academy (PMA), at naglaan ng pondo para sa mga kababaihan sa lahat ng ahensya ng gobyerno; at RA 7168 na nag angat sa Philippine Normal University. | ulat ni Nimfa Asuncion