Mga senador, nanawagan ng transparency sa pagbuo ng pinal na bersyon ng Budget Bill

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nanawagan si Senador Loren Legarda na magkaroon ng mas malinaw at transparent na proseso sa pagbuo ng panukalang pambansang pondo lalo na pagdating sa Bicameral Conference Committee.

Ang pahayag na ito ng senador ay sa gitna na rin ng pagpapaabot ng ilang mga senador ng pagkadismaya at pagkabahala sa ilang pagbabago sa pinal na bersyon ng 2025 General Appropriations Bill matapos ang Bicam process.

Ipinunto ni Legarda na nawawalan ng kabuluhan ang ilang buwang committee hearings at plenary debates na ginagawa nila kung kulang sa transparency ang pinal na desisyon sa budget.

Aniya, dapat lang maging malinaw sa lahat ng mga Pilipino ang paliwanag sa bawat pisong inilalaan o inaalis lalo na sa mahahalagang sektor tulad ng edukasyon.

Una nang sinabi ng ilang mga senador na ikinagulat nila ang ilang mga pagbabago sa Bicam version ng Bugdet Bill.

Ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri, hindi sila naging bahagi o na-update tungkol sa developments sa ginawang mga adjustment ng binuong technical working group ng Bicam.

Maging si Senador Imee Marcos, nagulat na lang rin sa kinalabasan ng Budget Bill matapos ang Bicam dahilan para hindi niya pirmahan ang Bicam Report tungkol dito.

Una na ring nanawagan sina Zubiri at Marcos kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na rebyuhing maigi ang 2025 Budget Bill bago pirmahan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us