Hindi tumitigil ang pamahalaan na hikayatin ang mga rebelde na samantalahin ang alok na amnestiya para makabalik sa sibilisadong lipunan.
Ito ang kapwa inihayag ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at National Amnesty Commission (NAC).
Ayon sa komisyon, aabot na sa 1,665 na aplikasyon ng kanilang natanggap para sa taong 2024 na pasok sa kanilang target na 2,000.
Nagmula ito sa iba’t ibang rebeldeng grupo gaya ng Rebolusyunaryong Partidong Manggagawang Plipino – Alex Bongcayao Brigade, CPP-NPA at NDF.
Ayon naman kay OPAPRU Usec. Wilben Mayor, magandang pagkakataon na samantalahin ng mga rebelde ang alok na ito ng pamahalaan at hinikayat niya ang mga ito na ang pagkuha ng amnestiya ay magandang regalo sa kanilang pamilya ngayong Pasko.
Kumpiyansa naman ang OPAPRU at ang NAC na tataas pa ang naturang bilang pagsapit ng 2025 at 2026 lalo’t mas pinadali at pinabilis pa ang proseso nito. | ulat ni Jaymark Dagala